-- Advertisements --
iloilo dead
Iloilo tragedy

ILOILO CITY – Hindi na matutuloy pa ang nakatakda sanang pagpapakasal ng magkasintahan matapos mapabilang ang isa sa kanila sa mga namatay sa nangyaring pagtaob ng tatlong bangka sa Iloilo Strait nitong Sabado.

Mula Cebu, tumulak papuntang Buenavista, Guimaras, si Romeo Baguio Jr., kasama ang walong miyembro ng kanyang pamilya upang mamanhikan sa pamilya ng kanyang wife to be na si Ma. Nieves Grandeza ng San Nicolas, sa perehong bayan.

Pabalik na sana ng Cebu ang pamilya Baguio kasama si Grandeza nang sa kasamaang-palad ay tumaob ang kanilang sinasakyang motorbanca na MB Jenny Vince na patungo sana sa Lungsod ng Iloilo sa Iloilo Strait.

Nakaligtas si Grandeza ngunit binawian ng buhay ang kanyang fiance, gayundin ang kanilang tatlong taong gulang na anak na si Jay Arvin at pito pang kasamahan.

Napag-alaman na 28 na ang naitalang patay sa pagtaob ng tatlong motorbanca na kinabibilangan ng MB Jenny Vince na may rutang Iloilo-Buenavista, Guimaras vice versa; at MB Keziah at MB Chi-Chi na may rutang Iloilo- Jordan, Guimaras vice versa.

Nananatili namang nawawala ang lima pang pasahero.