Panatag na raw ang loob ni Justice Sec. Menardo Guevarra ngayong natuldukan na ang kaso ng convicted US Marine Lance Corporal na si Joseph Scott Pemberton.
Pahayag ito ng kalihim matapos ma-deport sa Pilipinas ang sundalo, kasabay nang paglipad nito pabalik ng Amerika dahil sa absolute pardon na iginawad sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“I am relieved to see the end of the Pemberton episode,” ani Guevarra.
Ayon sa Justice secretary, maraming aral daw ang mapupulot mula sa nasabing kaso, lalo na sa magiging kinabukasan ng Visiting Forces Agreement ng Estados Unidos, sistema ng criminal justice sa bansa, at paggamit ng pangulo sa kanyang kapangyarihan.
“Though attended with intense conflict, it has provided valuable insights and lessons to ponder on regarding the future of the Visiting Forces Agreement (VFA), the administration of criminal justice, and the exercise of the President’s constitutional powers.”
Alas-9:14 nitong umaga nang sunduin ng isang US military plane si Pemberton sa Ninoy Aquino International Airport.
Bago nito, dineport muna siya sa Bureau of Immigrations, kung saan hindi na papayagan ang muling pagtapak niya sa Pilipinas.
Taong 2015 nang hatulang guilty sa kasong homicide si Pemberton matapos niyang mapatay ang transgender na si Jennifer Laude.