-- Advertisements --

Hinamon ngayon ni dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon si National Youth Commission (NYC) Usec. Ronald Cardema, na ilantad ang mga sinasabi nitong nag-aakusa sa kaniya na tinatakot ang nominees ng P3PWD partylist para siya ang makaupo sa puwesto.

Ayon kay Guanzon, nakikisali lang sa usapin si Cardema kahit wala naman itong poder, pati na ang abogado nitong si Atty. Ferdinand Topacio.

Sinabi ng dating Comelec commissioner na ang dapat na magsalita ay ang tunay na nagrereklamo at hindi ang sinumang walang kinalaman sa sitwasyon.

Una rito, sinabi ni Cardema na nakipag-ugnayan sa kanila ang ilang nominee ng P3PWD at nagsabi umanong binabraso sila ni Guanzon.

Hinala ng dating poll official, gawa-gawa lang ito nina Topacio at Cardema at wala talagang katotohanan.

Aniya, kung sinuman sa kanilang grupo ang uupo, iyon ang nararapat at angkop sa katungkulan.

“Kahit sino naman po ang uupo diyan ay karapatdapat siya sa aming katungkulan at adbokasiya. Kung ako man po ang uupo diyan, karangalan ko po kung piliin nila ako,” wika ni Guanzon.