Nanawagan ang grupo ng mga mangingisda ng agarang pag-usad ng imbestigasyon at paglabas ng resulta nito, sa nangyaring pagbangga ng isang barko sa bangkang ginagamit ng mga mangingisda sa Bajo de Masinloc.
Maalalang kahapon nang lumabas ang ulat na tatlong mangingisda mula Zambales ang namatay matapos salpukin ng isang barko ang ginagamit nilang bangkang pangisda.
Sa naging opisyal na pahayag ng grupong PAMALAKAYA, iginiit ng grupo ang pangangailangang makapagsagawa ang pamahalaan ng agarang imbestigasyon upang maisilbi ang hustisya sa sinapit ng mga mangingisda.
Ikinalungkot din ng grupo ang sinapit ng mga mangingisdang Pilipino sa mismong karagatang pag-aari ng Pilipinas.
Iginiit din ng naturang grupo na kailangang maging impartial o walang kinikilingan ang isasagawang imbestigasyon sa naturang insidente.
Kasabay nito, umapela ang PAMALAKAYA sa pamahalaan na tulungan ang pamilya ng mga biktima, kasama na ang iba pang mga mangingisda na sakay ng naturang bangka.
Maalalang nauna nang kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang naturang insidente, kung saan kasama ang kapitan ng banka sa mga nasawi.
Sa naging ulat din ng PCG, 11 crew ang nakaligtas at maayos na nakabalik sa pampang, sa bahagi ng Pangasinan.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng PCG at iba pang ahensiya ng pamahalaan, kaugnay sa naturnag insidente.