Hindi raw maintindihan ng isang grupo ng mga health professionals ang naging basehan ng Inter-Agency Task Force (IATF) para ipagbawal ang pagpasada sa kalsada ng mga tradisyunal na jeep.
Sinabi ni Dr. Gene Nisperos, isa sa mga founder ng Second Opinion PH, na dapat payagan ng gobyerno ang mga jeep dahil mas maliit umano ang tsansa ng viral transmission.
Kumpara raw kasi sa mga bus, modern jeepney o kahit anong uri ng pampublikong transportasyon na may contained space at limitado lamang ang ventilation, ay mas mabuti pa na sumakay na lang sa jeep na bukas ang parehong pintuan at bintana nito.
Lalo na kung limitado lamang ang bilang ng mga pasaherong papayagan ay mas magiging madali lamang ang air circulation kaysa sa mga enclosed vehicles, ayon kay Nisperos.
Kinuwestyon din ng doktor ang mga polisiya na ipinatutupad ng IATF, tulad na lamang ng gusto nito na paglalagay ng barriers sa pagitan ng motorcycle rider at pasahero nito.
Ani Nisperos, hindi ito mahalaga lalo na doon sa mga mag-asawa o live-in partners dahil mas malaki ang tsansa na maaksidente lamang ang mga ito.
Sa mga ganitong panahon aniya ay dapat pairalin daw ng IATF ang pagiging “logical” sa mag patakaran na ipinatutupad sa mga pampublikong transportasyon at wag basta-basta na lamang magdesisyon.










