-- Advertisements --

Sinupalpal ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) ang suhestyon ng ilang senador sa Department of Education (DepEd) na ikonsidera ang muling pagbubukas ng mga eskwelahan para sa face-to-face classes kahit pa nasa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic ang bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ng grupo na hindi maaaring balewalain na lamang ang kakulangan sa mass testing at maayos na contact tracing ng bansa para ikompromiso ang kaligtasan ng mga bata mula sa nakamamatay na sakit.

Pinangunahan ni Senator Win Gatchalian ang limited face-to-face classes sa mga lugar na kinokonsidera bilang low risk areas mula sa coronavirus.

Nagpupumilit din si Senator Imee Marcos na buksan ang mga eskwelahan dahil mas inuna pa raw na payagan ang sabong kaysa sa tulungan ang mga bata na makabalik sa kanilang pag-aaral.

Bilang tugon sa mga hirit na ito, sinabi ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na magiging responsibilidad ng local government units (LGUs) at mga magulang kung sakali man na magkasakit ang mga bata sa oras na payagan ang in-person classes.

Subalit kinuwestiyon naman ng naturang grupo kung papaano masisiguro ng gobyerno sa publiko na ligtas ang mga batas sa loob ng mga silid-aralan. Mapapansin daw kasi na kulang sa general health at education infrastructure ang mga paaralan sa bansa.

Anila hangga’t walang maayos na pagpapatupad ng health infrastructures sa mga eskwelahan, free mass testing at contact tracing, hindi lamang ang buhay ng mga bata ang malalagay sa alanganin ngunit pati na rin ang kanilang pamilya at mga guro.