-- Advertisements --
image 261

Lumagda sa isang memorandum of agreement ngayong araw ang Commission on Elections kasama ang Intregrated Bar of the Philippines at Philippine Association of Law Schools para sugpuin ang pagbebenta at pagbili ng boto sa Barangay at SK elections na gaganapin sa Oktubre 30 ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang pangunahing tungkulin ng IBP at Philippine Association of Law Schools ay para tumulong sa pagpapakalat ng mga impormasyon kaugnay sa vote-buying at vote selling.

Kung saan ipapamulat ng grupo na ang pagbebenta at pagbili ng boto ay isang election offense na may kaakibat na kaparusahan.

Dagdag pa ni Comelec Commissioner Ernesto Maceda, Jr., ang official in charge ng bagong lunsad na Committee on “Kontra-Bigay.” na makikipagusap ang mga abogado at law school sa kani-kanilang komunidad para talakayin ang isyu.

Maaari ding tumulong ang mga abogado sa paglilitis ng mga kaso.

Sa ngayon, ayon kay Comelec chair Garcia, tanging isa pa lamang na insidente ng pinaghihinalaang vote-buying ang kanilang namonitor mula sa grupo ng mga kandidato sa Barangay San Bartolome, Quezon city.

Aniya, namahagi umano ang grupo ng tinapay at iba pang mga pagkain sa mga residente.

Paalala ng poll body na ang pagbibigay, pagaalok o pagpapangako ng pera o anumang halaga ay isa sa mga gawain na saklaw sa ilalim ng vote-buying sa Omnibus Election code.

Pinagbabawal din sa batas ang pag-solicit o pagtanggap ng pera kapalit ng boto.

Ayon sa Comelec, pinadalhan na ng show cause order ang naturang grupo ng mga kandidato para magpaliwanag sa posibleng paglabag.