BAGUIO CITY – Kinikilala ngayon ang Greece na “most successful” sa mga 10 major countries na bumubuo sa kontinenteng Europa sa hanay ng pagpapanatili ng mababang bilang ng kaso ng COVID-19 sa kanilang nasasakupan.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Eva Blanza Nikitara mula Patmos, Greece, sa pamamagitan ito ng maagang pagpapatupad ng pamahalaan doon ng quarantine at total lockdown maliban pa sa mga mahihigpit na alituntunin para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus.
Aniya, agad isinara ang mga paaralan at iba pang mga establisimento doon na walang koneksyon sa mga essential needs.
Pinapawatan din ng multang 5,000 Euro na katumbas ng aabot sa P276,000 ang mga nahuhuling violators ng mga alituntunin ng lockdown maliban pa sa pagkakakulong ng limang taon.
Dinagdag niya na kailangan ding magpaalam sa nakatakdang hotline sa Greece ang sinumang lalabas ng kanilang tahanan at dapat dala nila ang kanilang proof of residence sa Greece dahil agad mamumulta ng 150 Euro o katumbas ng higit P8,000 ang mga walang dokumento.
Magtatapos aniya ang total lockdown ng Greece sa Abril 27.
Sa ngayon, nananatili sa 105 ang bilang ng mga nasawi habang 269 ang gumaling na mula sa higit 2,200 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Greece.