-- Advertisements --

Isinusulong ng Department of Trade and Industry (DTI) ang gradual opening ng dine-in services ng restaurant industry sa mga lugar na sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Irerekominda ito ng DTI sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ayon kay Trade Usec. Ruth Castelo sa virtual hearing ng House Committee on Trade and Industry.

Sinabi ni Castelo na tanging ang mga restaurants lamang na sumusunod sa DTI-issued safety protocols ang papayagan na makabalik-operasyon.

“All operations are subject to post-audit from DOLE, DTI, DOT, LGU Health Officer and/or other deputized organizations,” ani Castelo.

Dapat aniya may wastong ventilation at sanitized palagi ang mga kagamitan sa loob ng restaurant, at palaging ipinapatupad ang social distancing.

Ipagbabawal naman aniya ang self-service o customer refill stations, buffet at salad bars at lilimitahan lamang sa 50 percent ng capacity ng lugar ang papayagan na makapag-dine in.

Ayon sa restaurant industry, malaki ang kanilang lugi sa nakalipas na mahigit dalawang buwan matapos na ipinatupad ang lockdown.

Bagama’t kumikita sa food deliveries, hindi naman aniya sapat ito para punuan ang pera na kanilang inilalabas para mapanatili lamang ang kanilang mga empleyado.