Itinutulak ngayon ni Senate civil service, government reorganization and professional regulation chairman Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., na doblehin ang vacation at sick leave ng mga kawani ng gobyerno.
Batay sa Senate Bill 1821 ni Revilla, layunin umano ng panukala na mabigyan ng higit na pahinga ang mga manggagawa, para higit na maging produktibo sa kanilang trabaho.
Nakasaad din sa expanded leave benefits act na magiging 30 araw na ang magiging may bayad na vacation at sick leave kada taon ng mga kawani at opisyal ng mga pampublikong tanggapan.
Sa 30 araw na vacation leave, isasama ang tatlong araw na special leave privilege at limang araw na forced leave.
Hindi naman kasama ang mga guro sa nasabing benepisyo, dahil ibang sistema umano ang paiiralin sa kanila upang huwag maapektuhan ang pagtuturo ng mga ito.










