-- Advertisements --

Hinamon ng Makabayan bloc sa Kamara ang national government na maging transparent sa mga kasunduang pinasok na may kaugnayan sa COVID-19 vaccination program.

Sa isang press briefing nitong umaga, sinabi ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na sa pamamagitan lamang nang pagiging bukas ng pamahalaan mapapahupa ang agam-agam o hesitancy ng publiko sa pagpapaturok ng bakuna kontra COVID-19.

Maraming tanong aniya ang mga mamamayan hindi lamang sa safety at efficacy ng mga bibilhing bakuna kundi maging sa presyo sa kung magkano ito bibilhin ng pamahalaan.

Sinabi naman ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na dapat tiyakin na rin ng pamahalaan kung kailan talaga makakarating sa Pilipinas ang COVID-19 vaccines.

Maalala aniya na noong nakaraang taon ay sinasabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na Disyembre 2020 makakarating ng Pilipinas ang mga bakuna kontra COVID-19, subalit hindi ito natuloy at inurong sa darating na Pebrero.

Gayunman, bagama’t minamadali aniya nila ang pagdating ng mga bakunang ito sa bansa, sinabi ni Gaite na dapat tiyakin ding ligtas at epektibo ito, at libreng ibibigay sa mga sektor na napapabilang sa priority list ng pamahalaan.

Sa pagdinig ng House committee on health kamakailan, sinabi ng ilang mga kongresista na may agam-agam ang publiko sa pagpapaturok ng COVID-19 vaccines dahil sa kalituhan patungkol sa safety at efficacy rate ng mga ito.

Pero pagtitiyak naman ni Galvez at Health Sec. Francisco Duque III na ligtas ang gagamiting gamot sa vaccination program.