-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pasok na rin ang period ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa cash aid na ibinibigay ng pamahalaan sa mga residenteng apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, ito ay base na rin sa abiso sa kanila ng Department of Budget and Management (DBM).

Sagot ito ni Malaya sa isang panayam matapos tanungin kung mayrooon pa bang aasahan na karagdagang ayuda ang mga residente sa NCR Plus matapos na ilagay ito sa ilalim ng MECQ hanggang Abril 30.

Magugunita na dahil sa mataas na bagong COVID-19 infections sa kada araw sa mga nakalipas na linggo, nagdesisyon ang pamahalaan na ilagay ang National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal sa ECQ mula Marso 29 hanggang Abril 4.

Sa ilalim ng ECQ, limitado ang galaw ng publiko pati rin ang operasyon ng ilang mga negosyo.

Kaya naman naglaan ang pamahalaan ng P22.9 billion para sa cash assistgance program sa mga apektadong residente.

Ang mga beneficiaries sa programang ito ay makakatanggap ng P1,000 kada tao o maximum na P4,000 kada pamilya.

Ang ECQ sa NCR Plus ay pinalawig ng pamahalaan mula Abril 5 hanggang Abril 11, at ibinaba naman sa MECQ mula Abril 12 hanggang sa katapusan ng buwan.