LEGAZPI CITY – Hinahangaan ngayon ang isang empleyado ng lokal na gobyerno ng Casiguran, Sorsogon na nagbebenta ng mga lumang gamit at paintings upang makapangalap ng perang pangtulong sa mga naapektuhan ng bagyo kabilang na ang mga taga-media.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Angel Ayala na siyang tagapagsalita ng Casiguran LGU, kasama ang kanyang mga kaibigan, inilunsad nito ang proyekto na layuning makapag-abot ng kahit na kaunting tulong sa mga naapektuhan ng bagyo.
Kasama umano sa mga gamit na kanilang mga ibinebenta sa ngayon ay ang kanyang bisekleta, mga paintings ng kaibigang artist at iba pa.
Bukas din ang grupo ni Ayala na tumanggap ng kahit na anong donasyon na maiipon at sabay na ipapamigay sa mga nangangailangan.
Ayon kay Ayala, bilang isang dating media practitioner, personal niyang nakita ang trabaho sa field ng mga taga-media at nasaksihan na rin ang paghihirap ng mga nasalanta ng bagyo na marapat lamang tulungan.