-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Iginiit ng tagapagsalita ni Sorsogon Governor Chiz Escudero na hindi nakipag-ugnayan ang UST Growling Tigers men’s basketball team sa provincial government sa pagpasok nito sa lalawigan para sa bubble training.

Ayon kay Dong Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, lumabag sa quarantine protocol ang naturang koponan nang magsagawa ng training sa isang pribadong court sa Barangay Capuy, Sorsogon City.

Kaugnay nito, nagsumite na ng report ang gobernador sa Inter-Agency Task Force kaugnay ng isasagawang imbestigasyon sa insidente.

Maaalalang una nang bumaba sa pwesto bilang UST head coach si Aldin Ayo upang akuin ang responsibilidad, matapos mabalot ng kontrobersiya ang insidente.

Kinuwestyon din ni Mendoza ang hindi pagpapaabot ng ulat ng mga barangay officials kaugnay ng pagdating ng grupo sa lalawigan, na isa sa mga protocol na ginagawa ng mga lokal na opisyal tuwing may papasok sa Sorsogon na mula sa ibang rehiyon.

Nabatid na si Ayo ay tatlong beses na naging konsehal sa lungsod ng Sorsogon bago maging head coach ng naturang unibersidad.