-- Advertisements --

Pinuri ni Senator Richard Gordon si Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin Jr., dahil sa pagahain nito ng diplomatic complaints sa ginagawang pananalakay ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Mahalaga aniya ang hakbang na ginawa ni Locsin upang manindigan sa karapatan ng Pilipinas sa WPS. Ito raw ay tamang gawin para sa bansa at buong puso raw niya itong sinusuportahan.

Kinumpirma kahapon ng kalihim na nakatanggap ang Chinese embassy ng dalawang diplomatic protests; una, ay ang pagtutok umano ng radar gun sa barko ng Philippine Navy na nasa karagatan ng PH waters. habang ang ikalawa naman ay ang pagdedeklara ng Beijing na ilan sa mga teritoryo ng Pilipinas ay parte ng Hainanm province.

Ayon kay Locsin, pareho itong paglabag sa international law at soberanya ng bansa.

Ilang ulit na ring hinikayat ni Gordon ang gobyerno na panindigan ang maritime dispute sa pagitan ng Pilipinas at China.

Noong Martes ay hindi na nakatiis ang senador na ipahayag ang kaniyang pagkabahala sa pagpapatupad ng bagong patakaran ng China.

Sa nasabing patakaran na ito ay papayagan ang Chinese Coast Guard na gumamit ng anumang uri ng armas upang protektahan ang national sovereignty, sovereign rights at hurisdiksyon ng China sa oras na subukan itong pakialaman ng foreign organizations o mga indibidwal na nasa karagatan.

“When another country claims the oceans surrounding us, which we claim, even threatens to demolish our fishing boats or fishing boats of any country that get to that ocean or that sea, this is a serious cause for concern. This is a shot in the bow of all the claimants in the territories,” wika ni Gordon.