-- Advertisements --

Pinaalalahanan ni dating Speaker Alan Peter Cayetano ang mga kapwa niya opisyal ng pamahalaan na huwag maging balat-sibuyas at palaging maging responsable sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan ngayong pataas nang pataas ang bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas kada araw.

Ayon kay Cayetano, makalipas ang isang taon nang unang idineklara ang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic, ay dapat natuto na ang pamahalaan na kailangan mabilis ang pagbibigay ng ayuda sa mga nangangailangan ng tulong.

Kasabay nito ay hinimok ng dating lider ng Kamara ang pamahalaan na bilisan ang pagbabakuna at ang paggulong ng mga programa at social welfare measures para matulungan ang mga naghihirap na Pilipino sa gitna ng pandemya.

Iginiit ni Cayetano na wala VIP treatment dapat sa pagbabakuna, lalong lalo na ngayon na maraming mga lokal na pamahalaan ang nababahala sa posibilidad na hindi sila makatanggap o makabili ng COVID-19 vaccines.

Sinabi pa ni Cayetano na responsibilidad ng pamahalaan na tulungan ang ang mga naghihirap na Pilipino.

Kaya naman umaapela rin ito sa mga kapwa niya mambabatas na aprubahan na rin ang P10,000 Ayuda Bill na inihain niya at ng kanyang mga kaalyado noon pang Pebrero 1.