-- Advertisements --
nurses

Nag-aalok ang gobyerno ng Japan ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipinong nurse at skilled workers ayon sa office of the Vice President (OVP).

Sa courtesy call kay Vice President Sara Duterte, ibinunyag ni Japanese Minister for Health, Labour, and Welfare Katsunobu Kato na nasa 54.7% ng Pilipinong caregivers na kumuha ng pagsusulit para magtrabaho sa Japan noong Marso ang pumasa. Ito na ang pinakamataas bilang na naitala sa mga pumasang Filipino examinees sa nakalipas na 10 taon.

Ayon sa Japanese official ang mga hindi nakapasa sa pagsusulit sa caregiver ay maaaring manatili ng mas matagal sa Japan at mabibigyan ng pagkakataon na muling makapag-exam.

Inihayag din ni Kato na kailangan pa nila ng karagdagang filipino nurse na magtatrabaho sa Japan sa ilalim ng government to government agreement na Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA).

Maliban pa dito, ibinahagi din ng Japanese official na nangangailangan din ang kanilang bansa ng skilled workers para sa construction at industrial waste treatment.