-- Advertisements --

Tiniyak ng Palasyo ng Malakanyang na mayruon ng nakalatag na contingency plan ang gobyerno sakaling lumala ang tensiyon sa middle east partikular ang giyera ngayon sa pagitan ng Iran at Israel na malaki ang posibilidad na sumirit ang presyo ng krudo at maging ang abono o fertilizer sa bansa.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, mahigpit na minomonitor ng Department of Energy (DOE) ang sitwasyon sa middle east.

Sinabi ni Castro na kung lumala ang sitwasyon sa middle east at tumaas ang presyo ng langis sisiguraduhin ng gobyerno na magbibigay ito ng ayuda para duon sa mga pampublikong sasakyan at maging sa mga mangingisda na maaapektuhan sa pagtaas ng presyo ng langis.

Sinabi ni Castro na ipinaliwanag ni DOE OIC Sharon Garin na obligado ang mga kumpanya ng langis na magkaroon ng 30-day inventory ng fuel.

Kung aabot naman anya ng $80 per barel ang presyo ng krudo, may nakahandang fuel subsidy o ayuda para sa mga nasa sektor ng transportasyon at maging sa mga magsasaka.

Handa rin umanong kausapin ng DOE ang mga kumpanya ng langis para ma-spread out ang adjustment sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Apektado din ang suplay ng abono o fertilizer sa bansa kung magpapatuloy ang tensiyon sa pagitan ng Iran at Israel dahil tataas ang presyo ng abono sa lokal na merkado. 

Nabatid na 66% ng fertilizer imports ng bansa ay nitrogen-based at ang pangunahing supplier ay ang Qatar.

Inihayag ni USec Castro. batay sa pakikipag-ugnayan nito kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel na bukod sa Quatar may nakikita naman silang iba pang supplier ng abono at ito ay ang Brunei.