Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa gobyerno na paigtingin ang mga hakbang upang makaiwas sa sunog sa gitna ng nararanasang El Niño sa bansa.
Sinabi ni Gatchalian na kasama sa mga hakbang upang makaiwas sa sunog ay ang tamang paggamit ng liquefied petroleum gas o LPG.
Mahigit 50% ng mga sambahayan ang umaasa sa LPG para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa pagluluto.
Bilang punong may-akda ng LPG Industry Regulation Act, binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga mamimili tungkol sa wastong paghawak ng liquefied petroleum gas (LPG), na maaaring magdulot ng sunog kung hindi mapapangasiwaan nang tama.
Layon ng RA 11592 na punan ang mga regulatory gaps sa industriya, kabilang ang pagtiyak sa pag-alis ng mga hindi ligtas na tangke mula sa sirkulasyon upang maiwasan ang mga insidente ng sunog.
Ginawang institusyonal din ng batas ang cylinder exchange at swapping program upang payagan ang mga mamimili na bumili sa anumang retail outlet ng LPG cylinder at i-swap ito sa kahit na anong brand ng tangke na nais na bilhin ng mamimili.