-- Advertisements --

Lumagda sa isang ceasefire agreement ang gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang ipatigil ang labanan sa Ungkaya Pukan sa Basilan.
Ito ay kasunod ng deadly clash sa pagitan ng pwersa ng 101st Infantry Brigade military at mga miyembro ng MILF-Bangsamoro Islamic Armed Forces’ (BIAF) 114 Base Command na ikinasawi ng anim na katao, tatlong sundalo at tatlong miyembro ng MILF.
Sa isang statement, sinabi ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) na ang naturang kasunduan ay nilagdaan hapon ng huwebes sa pagitan ng gobyerno at Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) ng MILF at Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG), at Non-Violent Peace Force (NVFP).
Kabilang sa consensus points sa naturang kasunduan ang agarang pagpapatupad ng ceasefire sa pagitan ng dalawang kampo, agarang implementasyon ng pull-out reinforcements ng BIAF-MILF na hindi residente ng naturang barangay, dapat na manatili sa kaniya-kaniyang bahay ang grupo ni Commander Huram Malangka ng 114BC, BIAF- MILF na mga residente ng Barangay Ulitan habang inaantay ang pag-decommission sa kanilang mga armas, paglalagay ng isang composite detachment na kinabibilangan ng AFP, PNP at BIAF-MILF para matugunan ang mga lawless elements at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa naturang barangay at dapat ang mga isyu at concerns may kinalaman sa MILF sa bayan ng Ungkaya, Pukan ay agad na maiulat para agad na masolusyunan.
Pinuri naman ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. ang ceasefire agreement at umaasang hindi na mauulit pa ang madugong insidente sa pagitan ng militar at MILF nang hindi mabalewala ang nakamit na major gains sa ilalim ng Bangsamoro peace process.