Umaasa ngayon ang World Health Organization (WHO) na patuloy ang pagbaba ng kaso ng monkeypox sa buong mundo.
Kasunod na rin ito nang naitalang 25.5 percent na pagbulusok ng kaso ng monkeypox sa buong mundo.
Ang 25.5 percent sa mga pandaigdigang kaso na 5,029 mula Agosto 29 hanggang Setyembre 4, kumpara sa 6,746 cases mula Agosto 22 hanggang 28.
Ngunit sinabi ng director-general ng WHO na si Dr. Tedros Ghebreyesus na katulad ng paglaban sa COVID-19, hindi pa oras para sa mundo na magpabaya sa kanilang pagbabantay.
Aniya, ito ang panahon para sa lahat ng apektadong bansa at komunidad na patuloy na gawin kung ano ang dapat gawin.
Ang mga bansa at health workers ay nangangailangan pa rin ng suporta para maghanda, makilala, masuri at magamot ang mga kaso at maiwasan ang mga impeksyon.
Ang Estados Unidos, Spain, Brazil France, Germany, United Kingdom, Peru, Canada, Netherlands at Portugal ay nag-ulat ng pinakamaraming bilang ng mga kaso at nagkakaloob ng 88 percent ng mga kaso na naitala sa buong mundo.
Sa Pilipinas, nananatili sa 4 ang tally para sa monkeypox.
Ang ikatlo at ikaapat na kaso sa bansa ay patuloy na nasa home isolation at facility-based isolation.
Nananatiling asymptomatic ang lahat ng kanilang closed contact at natapos na ang self-monitoring period.