DAVAO CITY – Malusog na isang sanggol na babae na isinilang sa loob mismo ng isang police patrol sa Sulop Municipal Police Station sa lalawigan ng Davao del Sur.
Base sa report ng PNP, humingi umano ng tulong si Aiza Paraje kay PMSgt. Mark Cloudesly na nakatayo sa labas ng istasyon noong panahong iyon dahil naramdaman nito na lalabas na ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
Agad namang rumeponde si Cloudesly at binuhat nito ang manganganak nang si Paraje upang isakay sa police patrol.
Rumesponde rin ang isang on-duty driver na si PSSgt. Jimson Gabrinez upang dalhin ang babae sa malapit na birthing home.
Subalit hindi pa man sila nakakalayo sa kanilang tanggapan ay hindi na natiis pa ni Paraje at nailuwal na nito ang isang sanggol na babae sa loob ng police patrol.
Matapos na ipinanganak ang sanggol, diretso naman silang dinala ng mga pulis sa malapit na birthing home para mabigyan ng medikal na atensyon.
Ayon kay PCpt. Harold Untalan, officer-in-charge ng Sulop PNP, hindi lang pagbabantay sa paligid ang trabaho ng kapulisan dahil parte na rin ng kanilang misyon ang pagbibigay ng tulong sa mga taong nangangailangan.
Ang nasabing sanggol ay binansagan ngayon ng iilan bilang si “baby Patrol.”