PANGLAO, BOHOL- Nagsagawa ng follow-up operation ang Panglao Municipal Police Station para matukoy ang pagkakakilanlan at maaresto ang mga suspek na bumaril sa isang German national noong Lunes, Setyember 12, sa Barangay Danao, Panglao, Bohol habang ito’y nagsagawa ng routine exercise at jogging.
Kinilala ang biktima na si Pantaleone Voci, 64 anyos, at residente ng Purok 3 ng nasabing barangay.
Sa ulat ng pulisya, isang concerned citizen ang nagreport kaugnay sa insidente ng pamamaril sa lugar kaya agad rumesponde ang Bohol Tourist Police Unit.
Base sa imbestigasyon, habang nagjogging si Voci kasama ang kanyang aso, dalawang hindi pa nakikilalang lalaking lulan ng motorsiklo ang dumaan sa parehong direksyon nang bigla na lang binaril ng ilang beses ang biktima gamit ang kalibre .45 na pistola.
Nagtamo ng mga tama ng bala si Voci kaya agad na dinala sa Tagbilaran City Hospital.
Tumakas naman papalayo ang mga suspek patungong Dauis, Bohol.
Narekober naman sa crime scene ang apat na piraso ng fired cartridge cases ng caliber .45 pistol.
Hinimok ngayon ni PRO7 Director Police Brigadier Roque Eduardo DP Vega ang publiko na magreport sa himpilan ng pulisya kung mayroon silang impormasyon kaugnay sa insidente.
“Tulungan nyo po kami para matukoy at madakip ang responsible sa pamamaril sa Bohol at sugatan na German national. Ipagbigay alam po sa amin kung may impormasyon kayong nakalap para makulong ang mga kriminal na gumawa nito,” saad ni Vega.