Muling iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang kanyang panukalang Revised Magna Carta for Public School Teachers o ang Senate Bill No. 2493 upang itaguyod ang kapakanan ng mga guro.
Ang pahayag ni Gatchalian ay kasabay na rin ng pagdiriwang ng Labor day.
Layon ng naturang panukala na amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers na isinabatas 57 taon na ang nakalilipas.
Kabilang sa mga isinusulong ng panukalang batas ang pagbibigay ng calamity leave, educational benefits, at longevity pay sa mga guro. Nakasaad din dito ang mga kondisyon sa pagbibigay ng special hardship allowance, pinaigting na criteria sa sahod, at proteksyon sa mga guro mula sa out-of-pocket expenses o dagdag gastos.
Nakasaad din sa panukalang batas na kung anong sahod, benepisyo, at mga kondisyon sa trabaho na nakukuha ng entry-level teachers ay makukuha din ng probationary teachers.
Ipagbabawal rin ng panukalang batas ang pagbibigay ng mga non-teaching task sa mga guro.
Matatandaang batay sa isang ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), patuloy na isinasagawa ng mga guro sa pampublikong paaralan ang karagdagang 50 non-teaching o administrative tasks.