Ipinahayag ni Sen. Sherwin Gatchalian ang kanyang suporta sa panukalang muling pag-aralan ang oil deregulation law upang mabigyan ng mas malaking kapangyarihan ang pamahalaan sa pagregulate ng presyo ng langis.
Ayon sa senador, nakapaghain na siya ng panukalang batas na layong amyendahan ang kasalukuyang polisiya, na aniya’y naglilimita sa pakikialam ng gobyerno sa sa fuel pricing.
Sinabi rin niya na kabilang sa pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis ang sektor ng transportasyon, kaya’t nauunawaan niya ang mga hinaing ng mga driver at operator.
Gayunpaman, ipinaliwanag ni Gatchalian na maingat ang gobyerno sa pagbalanse ng mga hakbang upang matulungan ang publiko habang pinapanatili ang sapat na kita ng pamahalaan.
Aniya, bagama’t maaaring makatulong ang pagtanggal ng excise tax o value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo, posible naman daw itong makaapekto sa pondo para sa mga subsidy at mahahalagang serbisyo ng pamahalaan.
Samantala, maalalang inaprubahan na ng Senado at Kamara ang panukalang magbibigay kapangyarihan kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. na pansamantalang suspendihin ang excise tax sa petroleum products kung kinakailangan.
Sa pangmatagalang solusyon, hinikayat ni Gatchalian ang publiko sa paggamit ng electric at hybrid vehicles upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported na langis.
“Importante ngayon… mahikayat ang mga kababayan natin na mag-transition na sa e-vehicles o hybrid,” aniya, kasabay ng pagbibigay-diin na malaking bahagi ng konsumo ng petrolyo ay ”pumupunta sa transportation.”
















