-- Advertisements --

Itinutulak ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagpapalawak ng mga upskilling at reskilling program bilang bahagi ng pangmatagalang tugon ng pamahalaan sa reintegration ng mga overseas Filipino workers (OFWs), kasunod ng patuloy na tensyon sa Middle East.


Ito ang isa sa mga rekomendasyon sa paunang ulat ng Senate PROTECT Committee kaugnay sa kalagayan ng mga OFW na naapektuhan ng krisis sa rehiyon.

Sa ilalim ng panukala, hinihikayat ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na palawakin ang kanilang mga programa sa pagsasanay upang matulungan ang mga nagbabalik na OFW na makahanap ng trabaho o makapagsimula ng sariling kabuhayan.

Kasunod ito ng nakalaang national budget ngayong 2026 na P8 bilyon para sa Training for Work Scholarship Program at P3.7 bilyon para sa Special Training for Employment Program na layuning mapalakas ang kakayahan ng mga OFW na makasabay sa lokal na labor market.

Samantala, nag babala naman si Gatchalian sa posibleng pagtaas ng unemployment at underemployment sa bansa kung mapipilitang umuwi ang malaking bilang ng OFWs sa loob ng 90 araw na labanan sa Middle East.

Kabilang sa mga apektadong bansa ang Saudi Arabia, Qatar, at United Arab Emirates, na may pinakamalaking bilang ng land-based OFWs ayon sa datos noong 2025.

Dahil dito ituntulak ng senador na bukod sa pagsasanay, dapat may isang mas komprehensibong reintegration framework din na kinabibilangan ng, pagtutugma ng kasanayan ng OFW sa pangangailangan ng lokal na trabaho, mga programang tutok sa job placement, mas madaling access sa pautang at puhunan. 

Giit ng senador, hindi dapat magtapos sa repatriation ang tulong sa OFWs. Aniya, mahalagang matiyak na may malinaw na landas ang mga ito tungo sa trabaho at kabuhayan sa kanilang pagbabalik sa bansa, lalo na sa harap ng hindi tiyak na sitwasyon sa ibang bansa.