Bukas si Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na makipag-usap sa paksyon ni Senator Alan Peter Cayetano upang ayusin ang sigalot sa liderato ng Senado na naging dahilan ng pagkaantala ng ilang gawain sa Mataas na Kapulungan.
Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na handa siyang makipag-usap sa lahat ng senador, anuman ang kanilang kinabibilangang grupo, upang maibalik ang normal na operasyon ng Senado.
Ayon sa kanya, mahalaga ang diyalogo para maresolba ang hidwaan at makapagpokus muli sa paggawa ng mga batas para sa publiko.
“I’m open [to talking] with all senators… I will talk to everyone,” ani Gatchalian.
Nagsimula ang tensyon matapos mahati sa dalawang paksyon ang Senado—ang 12-miyembrong mayorya na kinabibilangan ni Gatchalian, at ang 10-miyembrong minorya na pinamumunuan ni Cayetano.
Dahil dito, naparalisa ang ilang sesyon noong nakaraang linggo, dahilan upang maantala ang mga nakabinbing mga batas.
Magugunitang si Gatchalian ay nahalal bilang Senate President Pro Tempore matapos ideklarang bakante ang lahat ng posisyon sa Senado. Ayon sa Senate rules, siya ang tumatayong acting Senate President kapag walang nakaupong pangulo ang Senado.
Samantala, iginiit naman ni Cayetano sa isang Facebook livestream na kailangan ng nilang pag-usapan kung sino ang tunay na lider ng Senado.
Lumala pa ang isyu matapos magpahayag ang ilang opisyal at dating Presidente ng Senado na dapat nang makialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maresolba ang krisis at maibalik ang normal na takbo ng lehislatura.
Ayon sa kanila, mahalagang pumagitna ang Pangulo upang hindi maantala ang mahahalagang tungkulin ng Senado, kabilang ang mga nakabinbing batas at oversight functions ng gobyerno.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang mga kawani ng Senado sa patuloy na alitan ng mga mambabatas. Ayon sa kanila, nagdudulot ito ng kalituhan sa mga utos at dagdag stress sa kanilang trabaho.
















