-- Advertisements --

Nanawagan ngayon ang Gabriela Partylist sa Philippine National Police (PNP) na huwag i-overkill ang ipapatupad na security protocol sa mga kilos protestang isasagawa ng iba’t ibang grupo kasabay ng inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa isinagawang press conference ng grupong pangkababaihan ay sinabi ni Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas na mapayapa nilang isasagawa ang kanilang kilos-protesta sa freedom park sa lungsod ng Manila.

Ito ang dahilan kung bakit hindi aniya sila kinakailangang galawin o i-dispurse ng pulisya sa oras na isagawa na nila ang kanilang aktibidad.

Dagdag pa ni Brosas, wala raw karapatan ang kapulisan na sabihing online protest nalang ang kanilang gawin dahil ito aniya ay kanilang constitutional right para sa freedom of speech.

Samantala, sa kabilang banda naman ay sinabi ng kinatawan ng grupong Gabriela na bibitbitin nila sa kanilang pagpoprotesta ang usapin kung paano sosolusyonan ng susunod na administrasyon ang iba’t-ibang problema, krisis, at usapin sa lipunan tulad na lamang ng mataas na presyo ng langis, at marami pang iba.