-- Advertisements --

Inanunsyo ng beteranong manlalaro ng Rain or Shine Elasto Painters at dating Gilas Pilipinas captain na si Gabe Norwood na ang kasalukuyang PBA Philippine Cup ang magiging huling season niya sa liga.

Sa isang video, sinabi ni Norwood na ito na ang kanyang “One last conference, one last run, one last flight,” bilang pamamaalam sa kanyang mahigit isang dekadang karera sa professional basketball.

Binalikan din ni Norwood ang kanyang naging paglalakbay sa mundo ng basketball — mula sa paglalaro sa Amerika hanggang sa pagrepresenta ng Pilipinas sa mga international tournaments bilang bahagi ng Gilas Pilipinas.

“I poured everything I had into this game, and in return, it has given me more than I could ever ask for: the unforgettable moments on the court, the battles won and lost, the lifelong friendships, the love of the fans, and above all, a family,” ani Norwood.

Taong 2008 nang sumali si Norwood sa Rain or Shine, kung saan siya ay naging isa sa mga pinakapinagkakatiwalaang lider ng koponan. Sa kanyang panunungkulan, nakamit nila ang dalawang PBA championships at maraming playoff appearances.