Magpapatuloy ang pamamahagi ng tulong pinansyal ng pamahalaan para sa mga sektor ng transportasyon at agrikultura ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.
Ipinahayag ito ni Diokno matapos ang isinagawang kauna-unahang pagpupulong ng economic team ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Aniya, handa ang gobyerno na ipagpatuloy ang pamamahagi ng nasabing ayuda para sa mga kababayan nating lubhang apektado ng sunud-sunod na mataas na singil sa produktong petrolyo bansa.
Ngunit sinabi niya na sa mga susunod na taon ay inaasahan nang magiging stable ang presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado matapos na ibalita ni Department of Budhet and Management Secretary Amenah Pangandaman na posibleng pumalo na lamang sa USD70 hanggang USD90 ang kada bariles ng Dubai crude oil pagsapit ng taong 2024-2028 dahil inaasahan aniyang magiging stable na ang supply nito sa mga panahon na iyon.
Samantala, sa kabilang banda naman ay sinabi rin ni Pangandaman na bagama’t sinabi ng pamahalaan na handa itong ipagpatuloy ang fuel subsidy program ay wala pa aniya silang natatanggap na kahilingan mula sa Department of Transportation (DOTr) na ipagpatuloy ang pagpopondo para dito.
Magugunita na una nang naglabas ng Php 6.2 billion ang DBM para sa unang tranche ng target na cash transfer program, at isa pang Php 500 million para naman agricultural fuel discounts.