-- Advertisements --

Inihayag ni incoming Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco na hihintayin niya ang direktiba ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa kanyang inirekomendang mask mandate at health protocol para sa turismo.

Si Frasco ay anak ni Cebu Gov. Gwen Garcia na siyang nagpatupad ng “relaxed face mask rule” sa kaniyang probinsiya na tinutulan ng mga opisyal ng national government.

Ayon kay Frasco, sa kanilang pagbisita sa Singapore kasama ang kaniyang pamilya, inalis na ng nasabing bansa ang mandato na pagsusuot ng face mask sa mga outdoor areas.

Ngunit sinabi niya na “hindi niya nais na kwestiyunin ang mga patakaran ng national government at sundin ang karunungan ng papasok na administrasyon.

Nais lamang niya na ipaalam sa mga kinakailangang gumagawa ng desisyon, ang pangangailangan ng pagbabalanse ng buhay at kabuhayan, at masusing pagsusuri sa mga protocol sa kalusugan at kaligtasan na pinakamahusay na magsisilbi sa pangangalaga ng hindi lamang buhay kundi pati na rin ang ekonomiya at kung paano natin makakaya.

Nais din niya na hindi lalong madiskaril ang mga destinasyon ng turismo sa loob ng ating bansa.

Nauna nang iginiit ng Department of the Interior and Local Government na dapat sundin ng mga lokal na pamahalaan ang mga pambansang alituntunin na itinakda ng Interagency Task Force on COVID-19, na, bukod sa iba pa, ay nangangailangan pa rin ng pagsusuot ng face mask sa labas.