-- Advertisements --

Ganap nang lumakas bilang isang typhoon ang Bagyong Francisco  na may international name na “Mekkhala” habang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Sa 5 p.m. bulletin nitong Linggo, sinabi ng Pagasa na naging typhoon si Francisco bandang alas-2 ng hapon.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 820 kilometro hilagang-silangan ng Eastern Visayas.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 150 kph habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 25 kph.

Ayon sa Pagasa, inaasahang magpapatuloy pa ang paglakas ng bagyo at maaaring maabot ang pinakamalakas nitong intensidad pagsapit ng Martes.

Posible ring itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng hilaga at silangang Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands at Batanes, pagsapit ng Lunes ng umaga.

Bagama’t inaasahang mananatili si Francisco sa Philippine Sea sa buong forecast period, hindi pa rin inaalis ng Pagasa ang posibilidad ng mas malapit na paglapit nito sa Extreme Northern Luzon.

Inaasahan namang kikilos ang bagyo pahilagang-kanluran hanggang Miyerkules bago lumiko patungong southern Japan.

Sa ngayon, batay sa tala ng Pagasa na mababa ang posibilidad na direktang makaapekto si Francisco sa lagay ng panahon sa bansa, ngunit maaari nitong palakasin ang southwest monsoon o habagat na magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas sa mga susunod na araw.