Ipina-uubaya na lamang ni House Deputy Speaker Vilma Santos-Recto sa “sound discretion” ng mga kapwa niya kongresista ang usapin hinggil sa franchise renewal ng ABS-CBN Corp.

Pahayag ito ni Santos-Recto matapos linawin kamakailan ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang “expression” lamang ng inis ni Pangulong Rodrigo Duterte ang banta nitong haharangin ang franchise renewal ng naturang network at iginiit na “hindi benggatibong tao” ang punong ehekutibo.

Ikinatuwa naman ni Santos-Recto, isa sa mga naghain ng panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN na nakatakdang mag-expire sa Marso 30, 2020, ang pagkilala ni Panelo sa exclusive power ng Kongreso sa naturang usapin.

Maari aniyang hintayin na lang ang aksyon ng Committee on Legislative Franchises patungkol sa usapin sa pagbubukas ng sesyon sa Nobyembre.

Magugunita na bigong maaksyunan ang panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN hanggang sa natapos ang 17th Congress.