-- Advertisements --

Pinangunahan ni Spurs guard De’Aaron Fox ang panalo ng San Antonio Spurs laban sa Portland Trail Blazers, 112–101. Sa loob ng 35 minutong paglalaro, nakapagtala si Fox ng 25 puntos, limang rebounds, at pitong assists, bukod pa sa tatlong steals.

Hindi inalintana ng Spurs ang pagkawala ng kanilang bigman na si Victor Wembanyama, at sa halip ay nagpakita ng impresibong team effort kung saan bawat manlalaro ay nakapuntos. Mula sa bench, nag-ambag si Keldon Johnson ng 20 puntos, walong rebounds, dalawang steals, at isang block, matapos ipasok ang walo sa kanyang 15 attempts.

Naging dikit ang laban sa unang bahagi, kung saan ilang ulit nagpalitan ng lamang ang dalawang koponan. Gayunman, nakapagtala ang Spurs ng double-digit lead sa pagtatapos ng ikatlong quarter at hindi na ito binitiwan hanggang sa huling buzzer.

Sa panig ng Blazers, nasayang ang 29 puntos ni Deni Avdija kasama ang anim na rebounds at anim na assists. Sa kabila ng pagkatalo, nananatili ang Portland sa ikasiyam na puwesto ng Western Conference at pasok na sa Play-In Tournament.