-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang naglalayong isulong ang interes at karapatan ng mga inabandunang bata.

Sa pamamagitan ng viva voce voting ay inaprubahan ng mababang kapulungang ng Kongreso ang House Bill No. 7769 o ang Foundling Welfare Act.

Target ng panukalang batas na ito, na iniakda ni Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong, na kilalanin bilang natural-born citizen ng bansa ang mga foundling.

Mahigpit na ibinibilin ng panukalang batas na ito na hindi dapat ipagkait sa mga inabandunang bata ang kanilang karapatan na makakuha ng at mapabilang sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan.

Kapag maging ganap na batas, paparusahan nang pagkabilanggo ng hanggang anim na taon o multang P200,000 hanggang P1 million ang magdi-discriminate sa mga inabandunang bata.

Pagmumultahin naman ng P1 million hanggang P5 million at pagkabilanggo ng tatlong buwan hanggang dalawang buwan ang sinumang tao na maghahain ng malisyosong reklamo sa mga foundling.