-- Advertisements --

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang nagsusulong sa karapatan ng mga foundling o inabandunang mga bata.

Base sa resulta ng botohan, 220 kongresista ang bumoto ng YES at wala namang tumutol sa House Bill 7679.

Target ng panukalang batas na ito, na iniakda ni Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong, na kilalanin bilang natural-born citizen ng bansa ang mga foundling.

Mahigpit na ibinibilin ng panukalang batas na ito na hindi dapat ipagkait sa mga inabandunang bata ang kanilang karapatan na makakuha ng at mapabilang sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan.

Kapag maging ganap na batas, paparusahan nang pagkabilanggo ng hanggang anim na taon o multang P200,000 hanggang P1 million ang magdi-discriminate sa mga inabandunang bata.

Pagmumultahin naman ng P1 million hanggang P5 million at pagkabilanggo ng tatlong buwan hanggang dalawang buwan ang sinumang tao na maghahain ng malisyosong reklamo sa mga foundling.

Ayon sa may-akda ng panukala na si Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong, sa umiiral na batas, kailangan na magpakita ng patunay ang isang ‘foundling’ ng blood relation nito sa isang Pilipinong magulang bago maikunsidera at kilalaning natural-born citizen ng bansa.

Sinabi ni Ong na dapat na magkaroon nang pagbabago sa sistemang ito upang sa gayon ay matamasa naman ng mga foundling ang kanilang karapatan katulad ng ibang mamamayan.