NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang limang-taong gulang na batang babae sa Brgy. Matacla, Goa, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Bernard Peñero, hepe ng Goa Municipal Police Station, sinabi nito na isang araw bago matagpuan na wala nang buhay ang biktima ay napaulat pa itong nawawala.
Dagdag pa nito, inabot ng halos 15 oras na paghahanap bago natagpuan ang menor de edad sa isang creek na tinatayang humigit-kumulang 70 metro ang layo mula sa bahay ng biktima.
Ayon pa kay Peñero, posibleng mayroong foul play sa insidente dahil na rin sa nakitang sugat sa bahagi sa noo ng biktima.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ng mga otoridad ang mediko legal para malaman ang dahilan ng pagkamatay ng menor de edad.
Samantala, tiniyak naman nito sa pamilya ng biktima ang tamang hustisya sa pagkamatay ng bata.