KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril patay sa mag-ama sa harap ng Central Elementary School sa Brgy. Poblacion, Tupi, South Cotabato pasado alas-12 kaninang tanghali.
Kinilala ni Barangay Kapitan Aser Consing, ang mga biktima na sina Mindato Abol, 58 yrs old, former barangay Kagawad at ang kanyang anak na si Armando Abol, 22, graduating sa kursong Criminology at kapwa residente ng Barangay Polunoling, Tupi, South Cotabato.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Kapitan Consing sinabi nitong nanggaling umano sa pagpapagamot ang mag-ama at pauwi na ngunit pagdating sa harap ng paaralan ay pinagbabaril ang mga ito ng riding in tandem suspects.
Ayon pa sa opisyal hindi niya matukoy kung ano ang motibo ng krimen dahil mabuting tao naman ito at naging dating barangay official.
Napag-alaman na pawang ulo ang tama ng mga biktima.
Samantala, isa ring bangkay ng lalaki ang natagpuan sa kaparehong oras sa gilid ng daan sa Crossing Kablon sa bayan pa rin ng Tupi.
Sa ngayon, inaalam pa ang identity nito na pinaniniwalaan namang biktima ng summary execution.
Ipinasiguro naman ng pulisya na mabibigyang hustisya ang pagkamatay ng mga biktima.