Pumalo na sa mahigit anim na milyon ang bilang ng mga foreign tourists na nagtungo sa Pilipinas hanggang nitong Setyembre ng taong kasalukuyan.
Batay sa datos na inilabas ng Department of Tourism (DOT) ngayong araw, Nobyembre 9, natukoy na umakyat ng 14.37% ang mga bumisitang banyaga sa Pilipinas, mula 5,387,458 visitors hanggang 6,161,503 visitors mula noong Enero hanggang Setyembre 2019.
Sa naturang bilang, sinabi ng DOT na 606,553 rito ay naitala noong Setyembre lamang, o 17.09% na mas mataas kompara naman sa 518,041 visit count sa kaparehas na buwan noong nakaraang taon.
“The figures look very promising, and we are glad that more tourists are visiting us in light of the accolades received by the Philippines and our destinations throughout the year,” saad ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa isang statement.
Kamakailan lang ay nasungkit ng Pilipinas ang 8th spot sa listahan ng 20 Most Favorite Countries in the World ng Condé Nast Traveler Readers’ Choice Award.
Kinilala rin ang Pilipinas bilang Asia’s leading Dive Destination by the World Travel Awards.
Dahil sa mga parangal na ito, sinabi ni Puyat na lalo pang ganado ang DOT na magtrabaho pa dahil sa positibong epekto ng pagsisikap nila para sa pagkakaroon ng genuine sustainable tourism.










