-- Advertisements --

Biglang kumambyo ang US Immigration and Customs Enforcement sa una nitong desisyon na magbigay ng visa para sa mga kursong gagawin online.

Sinabi ngayon ng US immigration authorities na posible umanong hindi na sila magbigay ng visa sa mga kaka-enrol pa lamang na international students sa darating na pasukan.

Ito ay kahit pa raw isagawa ng kanilang paaralan na gawin online ang lahat ng course.

Ang pabago-bagong patakarang ito ay nangyari makaraang mapagdeisyunan ng ilang eskwelahan at unibersidad sa Estados Unidos na magsagawa na lamang ng online classes dahil sa tumataas pang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Noong Hulyo 6 nang ianunsyo ng immigration authorities na lahat ng foreign students na may online classes ay hindi bibigyan ng visa ngunit biglang nagbago ang kanilang desisyon noong Hulyo 14.

Naghain kasi ng reklamo sa federal court ang Harvard University at Massachussetts Institute of Technology para harangin ang desisyon ng US immigration. Ilang state governments din ang naghain ng parehong reklamo.

Patuloy pa ring pinipilit ni President Donald Trump ang mga eskwelahan na muling ibalik ang in-person classes upang tukungan umano ang pagbangon ng ekonomiya ng Amerika.

Batay sa huling tala ng US Institute of Internal Education, halos 1.1 milyong international students ang nag-aaral sa US simula noong academic year 2018.