Tinanggl na ng Chinese Coast Guard ang inilagay na floating barriers sa Bajo de Masinloc, ayon sa Philippine Coast Guard.
Iniulat ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela na noong Huwebes, Pebrero 15, nakita sa satellite images ang inilagay ng CCG na floating barriers ngunit naalis ito nang magbigay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng suplay sa mga mangingisdang Pilipino sa lugar.
Batay din sa satellite images na kanilang sinusubaybayan, inaabangan ng CCG ang mga barko ng Philippine Coast Guard na magtatangkang pumasok sa lagoon sa Bajo de Masinloc.
Giit ng opisyal na ito ay isang iligal na aksyon sa panig ng Chinese Coast Guard dahil pangunahing apektado dito ay mga Pilipinong mangingisda.
Sa kabila naman ng panibagong development na ito sa naturang karagatan, patuloy pa ring iniuulat ng mga Pilipinong mangingisda ang mga insidenteng kinasasangkutan ng mga dayuhan sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Matatandaan, una ng naglagay ng tinatayang 300-meter-long floating barrier ang China noong Setyembre ng nakalipas na taon sa timog-silangang bahagi ng Bajo de Masinloc para pigilan ang mga mangingisdang Pilipino na makapasok sa lugar.
Subalit tinanggal ito ng PCG dahil ito ay panganib sa paglalayag at isang malinaw na paglabag sa international law. (With reports from Bombo Everly Rico)