-- Advertisements --

Patuloy ang pagbuti ng fixed broadband internet speed sa bansa sa loob ng 15 sunod na buwan, kasabay ng Ookla Speedtest Global Index report na bumilis pa ang internet services sa Pilipinas.

Umangat ang fixed broadband internet sa 72.56Mbps noong Agosto mula sa 71.1Mbps noong Hulyo 2021.

Kumakatawan ito sa month-to-month improvement na 1.95 percent para sa fixed broadband at 817.31 percent improvement simula nang mag-umpisa ang Duterte administration noong July 2016.

Lumitaw din sa report na bumilis sa 33.77Mbps average download speed sa mobile mula sa 33.69Mbps. Ang latest download speed ay katumbas ng month-to-month improvement na 0.24 percent, at 353.89 percent mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte.

Mula sa 180 na bansa, pang-63 ang Pilipinas sa fixed broadband speed habang pang-73 mula sa 140 na bansa pagadating sa mobile.

Mula naman sa 50 bansa sa Asya, nasa ika-17 pwesto na ang Pilipinas sa internet speed para sa fixed broadband at ika-22 para sa mobile.

Sa Asia-Pacific, pang-14 ang Pilipinas sa fixed broadband at pang-13 para sa mobile mula sa 46 na bansa.

Sa 10 bansang kasapi ng ASEAN, nasa ika-limang pwesto ang Pilipinas sa fixed broadband and mobile.

Ang anunsyo ng Pangulo na ayusin at pabilisin ang pag-iisyu ng local government units (LGU) permits noong Hulyo ng nakaraang taon ay lumikha ng malaking increase sa ibinigay na permit sa mga telco mula Hulyo 2020 hanggang Hunyo ngayong taon kumpara noong 2019.

Ang pagbuti ng internet speed ay bunsod ng mabilis na pagtatayo ng mga imprastraktura, gaya ng cellular towers at fiber optic network na kinakailangan sa pagpapalakas ng services at connectivity.