CAUAYAN CITY – Mariing kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP)-North Luzon ang pagbaril ng riding-in-tandem suspects kay City of Ilagan Deputy Prosecutor Victor Begtang Jr., malapit sa kanyang bahay sa Malama, Conner, Apayao.
Nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril si Fiscal Begtang matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin dakong alas-2:30 ng hapon kahapon, June 23.
Naisugod pa si Begtang sa Conner District Hospital ngunit binawian din ng buhay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Lucky Damasen, Governor-elect ng IBP-Northern Luzon, sinabi niya na mabait at masipag si Atty. Begtang dahil nakalaban din niya ito sa isang kaso noon.
Nalulungkot at nanghihinayang si Damasen sa pagkasawi ng kapwa niya abogado dahil kabilang siya sa mga magagaling, “devoted” at may sinseridad na makipagtalastasan sa hukuman upang mapalutang ang katotohanan.
Wala naman aniya siyang kilalang abogado sa Region 2 na nakakaranas ng harrassment o red tagging ngunit pagtutuunan nila ito ng pansin para maiwasang mangyari ito.
Patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Police Regional Office at sa Provincial Office ng 14 na lalawigan sa Northern Luzon upang mapag-usapan kung paano maprotektahan ang seguridad ng mga abogado.