-- Advertisements --

Agarang paghahatid umano ng tulong ang kailangang gawin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahihirap na Filipino ngayong ang kabuhayan ng halos lahat ay apektado ng ipinatutupad na quarantine.

Ito ang panawagan ng isa sa mga biktima ng COVID-19 na si Sen. Sonny Angara, matapos ipag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang agarang pagpapalabas ng emergency assistance sa mga lubhang tinamaan ng lockdown.

Ani Angara, hindi dapat maging pahirapan ang pagbibigay ng tulong sa publiko at hindi sila kailangang dumaan pa sa kung anu-anong proseso para makuha ang emergency assistance.

Aniya, napakarami na ng apektado ng kawalang-kita dahil sa pananatili sa mga bahay.

Kasama sa mga benepisyaryo ang pinakamahihirap na senior citizens at iba pang indibidwal na nawalan ng pagkakakitaan dahil dito.

Malinaw aniya sa ulat ng Pangulo sa Kongreso na may higit P140 bilyon ang ipinagkaloob sa DSWD sa ilalim ng 2020 national budget.

Ang nasabing halaga, aniya ay maaaring magamit ng ahensya bilang COVID 19 response fund.

“Sa panahong ito, tanging ang tulong ng gobyerno ang inaasahan ng mahihirap na pamilya para pambili ng essential goods tulad ng pagkain at gamot. Wala silang pinagkakakitaan ngayon kaya ibigay na agad ang tulong para sa kanila,” ayon kay Angara.

Nabatid na sa kabuuang P141.7 bilyong pondo ng DSWD, P108.7 bilyon dito ay nakalaan sa 4Ps.

Liban pa riyan, may P23.1 bilyon pa para sa social pension na ipinagkakaloob sa pinakamahihirap na senior citizens; P8.7 bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS); at P1.2 bilyong quick response funds.

Kaugnay sa social pension, naglabas ng memorandum circular ang DSWD na nagsasabing tuluy-tuloy lang ang pagre-release ng social pension para sa indigent seniors.

Nagpasalamat naman ang senador sa DSWD matapos itong makinig sa kanyang panawagan na ituloy ang pagbibigay ng social pension sa indigent seniors at ang bahay-bahay na paghahatid sa kanila ng buwanang P500 stipend o allowance.

“Kung mababatid ninyo, ang ating senior citizens ang pinaka-maselan sa karamdamang hatid ng COVID-19. Marami sa senior patients na nagpositibo sa sakit na ito ay pumapanaw kaya’t huwag naman nating ipagkait sa kanila ang tulong,” pahayag pa ni Angara.