-- Advertisements --

Nakapili na ang Department of Science and Technology (DOST) ng mga ospital na sasailalim sa vaccine trials sa oras na simulan na ang clinical trials ng possible COVID-19 vaccine sa bansa.

Ito ay ang Philippine General Hospital (PGH), Manila Doctor’s Hospital at Research Institute for Tropical Medicine (RITM)

Sinabi ni DOST Secretary Fortunato dela Pena na iba’t ibang pathways ang kailangan nilang daanan hinggil dito. Una ay ang pag-explore sa collaboration agreements ng clinical trials sa mga institusyon na magiging daan sa development ng iba pang bilateral agreements ng mga bansa sa science and technology, research and development.

Nagpapatuloy na rin ang pakikipag-usap ng DOST sa iba’t ibang vaccine manufacturers sa buong mundo. Ito ay sa kabila ng una nang alok ng Russia para sa kanilang Sputnik-V vaccine sa Pilipinas.

Ilan sa mga bansa na kanilang kinakausap ay ang China, India, Japan, Canada at Estados Unidos. Bukod pa iro sa pagpupulong na ginawa ng ahensya kasama ang Russia kung saan tiniyak ni Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev na wala raw dapat ikabahala ang publiko sa nasabing bakuna dahil magiging bukas umano ang Russia na ilahad ang mga datos sa Sputnik-V.

Kailanganin din muna itong aprubahan ng Food and Drug Administration sa Pilipinas. Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng ahensya ang huling listahan ng mga bakuna mula World Health Organization (WHO) na gagamitin sa trials sa bansa.

Aminado si Sec. dela Pena na magiging mahaba ang proseso nito dahil kailangan pang ianalyze ng mga eksperto sa bansa ang datos na ibibigay ng Russia bago umpisahan ang clinical trials.

Nasa anim na bakuna na mula China, Amerika, at United Kingdom ang kasalukuyang nasa ikatlong stage na ng clinical trials.