Nagsagawa na ngayong araw ng final inspection ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Task Force for Augmentation of Health Facilities kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan sa isa pang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) treatment facility sa Alonte Sports Arena na matatagpuan sa Biñan, Laguna.
Pinangunahan mismo ni National Task Force Againts COVID-19 Deputy Chief Implementer at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) president Vince Dizon ang pag-inspect sa pasilidad kasama sina DPWH Usec. Emil K. Sadain, head ng Task Force for Augmentation of Health Facilities; Undersecretary Ricardo B. Jalad, administrator ng Office of Civil Defense (OCD) at Biñan City Lone Congressional District Rep. Marlyn B. Alonte.
Ang ika-10 covid facility ay mayroong 68 bed cubicles, nurse’s station, sanitation chamber at hiwalay na palikuran para sa mga healthcare workers.
Naniniwala ang DPWH maging ang mga opisyal ng pamahalaan na magbibigay ng bagong pag-asa ang Alonte Sports Arena para sa mga pasyenteng mako-confine sa pasilidad.
Maging daan din sana umano ang naturang covid facility pra ma-flatten na ang curve ng pandemic dahil sa pamamagitan ng pasilidad ay mapipigilan na ang pagkalat ng virus sa komunidad.
Kabilang naman sa siyam na mega quarantine facility ang Philippine International Convention Center (PICC) forum, World Trade Center, Ninoy Aquino Stadium, Rizal Memorial Coliseum, Asean convention center sa Clark, Pampanga, National government Administrative center sa New Clark City sa Capas, Tarlac, Philippine Sports Complex (Ultra) sa Pasig City, ang tatlong malalaking tent sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan at Filinvest Tent sa Alabang, Muntinlupa City.