Isusulong ngayon ng Department of the Interior and Local Government sa mga lokal na pamahalaan sa ating bansa ang pagpapatupad ng tatlong taong tax holiday para sa mga pelikulang Pilipino.
Ito ay kasunod ng paghingi ng saklolo ng mga local film producers kay Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. kasunod ng kanilang naging pagpupulong ngayong araw kung saan tinalakay ng mga ito ang pag-aalis ng moratorium ng mga local government unit sa industriya ng lokal na pelikula.
Ayon sa kalihim, layunin nito na matulungan ang local film producers na muling makabawi’t makabangon mula sa naging epekto ng pagtama ng COVID-19 pandemic sa ating bansa.
Maliban kasi sa 12% value added tax na binabayaran ng mga Filipino producers, ay kinakailangan din nilang magbayad ng 10% amusement tax sa mga LGU, hiwalay pa ito sa kaliwa’t kanang mga permit na kailangan nilang i-secure sa tuwing nagsasagawa ng shooting.
Kasabay nito ay ipinaliwanag din ng local film producer na si Atty. Joji Alonso na tumaas din sa 35% ang kanilang cost of production at ang pagtaas na ito aniya ay ang siyang pagbaba naman ng audience.
Hindi rin aniya lahat ng mga Pinoy movies ay kumikita ng daan-daang milyon dahilan kung bakit dumulog na sila sa tanggapan ni Sec. Abalos upang lahat sana ng mga city mayors sa buong bansa ay matulungan sila sa kanilang kahilingan na mabigyan ng palugit na tatlong taon na huwag muna silang singilin ng amusement tax pansamantala.
Sabi ni Sec. Abalos, dahil dito ay bubuo sila ng isang technical working group para isa-isahin ang mga problemang may kaugnayan dito upang matiyak na talagang masusolusyonan ang mga suliraning ito sapagkat nauunawan niya raw ang hirap ng mga nasa industriya ng pelikulang Pilipino.
Aniya, siya mismo ang kakausap ng personal sa mga lgu ukol dito upang tulungan ang mga filipino filmmakers sa ating bansa.
Samantala, kaugnay nito ay naglatag na rin si Sec. Abalos at ang Board of Directors ng Samahan ng mga Producers sa Pilipinas ng kanilang mga susunod pang pagpupulong hinggil sa nasabing usapin kasabay ng pangako na handa ang Marcos Jr. administration na tulungan at mas mapaunlad pa ang industriya ng lokal na pelikula sa ating bansa.
Kaugnay nito ay lubos naman ang ipinaabot na pasasalamat ng naturang board sa DILG sa pagdinig nito sa kanilang mga hinaing dahil naniniwala ang mga ito na malaki ang maiaambag ng pelikulang pilipino sa ekonomiya ng ating bansa.