Muling magkakaroon ng tiyansa ang mga Pinoy fans na makitang maglaro ang national women’s football team bago sumabak sa malaking torneyo sa Women’s World Cup sa susunod na taon.
Matapos na magkampeon sa Asean Football Federation nitong nakalipas na Linggo, agad na naghanda ang Philippine Football Federation ng four-nation tournament na gagawin sa bansa bilang bahagi ng matinding preparasyon para sa World Cup na gaganapin sa Australia at New Zealand.
Ayon kay PFF President Mariano “Nonong” Araneta nagkakaroon na sila ngayon ng diskusyon para sa isasagawang pocket tournament.
Ang four-nation event ay posibleng isagawa sa Philippine Sports Stadium sa Bocaue, Bulacan o kaya sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac.
Ang naturang mga venue daw kasi ay gawa sa natural grass na siyang gagamitin din sa FIFA World Cup.
Iimbitahan ang mga foreign teams na nag-qualify din sa World Cup pero hindi magiging kagrupo ng mga Pinay.
Samantala liban sa nabanggit, nakalatag na rin ang puspusang ensayo ng Filipinas sa pamamagitan ng paglahok din sa natitirang FIFA international match calendars na gaganapin sa buwan ng Agosto, Setyembre, Oktubre at Nobyembre.