-- Advertisements --

Aminado ang Food and Drug Administration (FDA) na nakaapekto ang delayed na pagpapatupad ng batas sa product regulation kaya maraming produktong pagkain at gamot ang ngayon pa lang nadidiskubre na hindi pala rehistrado sa ahensya.

Pahayag ito ng FDA kasunod ng mga nakaraang advisory nito tungkol sa ilang mga kilalang brand ng pagkain at gamot na matagal nang ibinibenta sa publiko, pero hindi pala rehistrado.

“The registration process of the food in FDA was actually put into law in 2012 and the implementation was staggered until 2016, 2017. So talagang before that mayroon pang mga products na unregistered,” ayon kay Usec. Eric Domingo, ang director general ng ahensya.

Sa huling tala ng FDA, tinatayang 250,000 products na ang may Certificate of Product Registration.

Aktibo na raw ang Center for Food ng ahensya sa pag-aasikaso sa aplikasyon ng mga nagpapa-rehistrong kompanya. Tiniyak din ng opisyal na masusi ang checking ng tanggapan para masigurong ligtas ang nabibiling mga produkto ng publiko.

Sinabi ni Domingo na hindi na nila nire-require ang mga kompanya na ilagay pa sa produkto ang registration number ng FDA.

“Kasi we are part of World Trade Organization, and the ASEAN Free Trade Association, at hindi pwedeng maglagay ng particular for each country because these are considered global barriers to trade.”

“However, voluntarily the products can put their food registration number in their packaging.”

Naglunsad na raw ng search application ang FDA sa kanilang website para madaling mahahanap ng publiko ang mga produktong rehistrado ng ahensya.

Ayon kay Domingo, pinaigting pa ng kanyang ahensya ang monitoring sa mga produkto

Kamakailan nang pag-usapan ang FDA advisories ukol sa pagiging unregistered ng kilalang liver spread brand na Reno, pati na ng sugar product ng SM Bonus.