MANILA – Aminado si Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo na kulang ng mandato ang ahensya para makatugon sa mga health emergency tulad ng COVID-19 pandemic.
Ito ang sagot ng opisyal matapos kuwestyunin ng ilang mambabatas ang trabaho ng FDA bilang regulatory body sa mga gamot at iba pang medical products.
“Kailangan talaga ng FDA ng mas flexibility lalo na kung panahon ng emergencies at support the local pharmaceutical industry,” ani Domingo sa pagdinig ng House Committee on Good Governance.
Ayon kay Domingo, ang Republic Act No. 9711 o FDA Law lang ang batas na pinagbabatayan ng ahensya sa mga aktibidad nito. Pero kulang daw ito ng probisyon para tumugon sa mga emergency tulad ng pandemya.
Kung may nagbibigay man ngayon ng mas mabilis na aksyon sa ahensya, ito ay Executive Order 121 ni Pangulong Rodrigo Duterte, dahil binibigyan nito ng kapangyarihan ang FDA na maggawad ng “emergency use authorization.”
“(Yung RA 9711) parang iniisip niya lagi tayong nasa regular na everyday activities na walang emergency sa Pilipinas.”
Umapela si Domingo sa mga kongresista na suportahan ang FDA sa pamamagitan ng batas na magbibigay ng epektibong mandato sa ahensya sa gitna ng health crisis.
“Yun nga po ang hinihiling namin kasi ang batas ng FDA para talagang walang emergency lagi kaya ang hinihiling namin sa lehislatura na talagang susuportahan namin ang bigyan ng kapangyarihan ang FDA sa panahon ng mga emergency para magkaroon tayo ng kaunting flexibility sa ating regulation,” ani Domingo.
Sa ngayon, may nakabinbin nang panukalang batas sa Kamara at Senado para mapalawak ang mandato ng FDA sa pagbibigay ng EUA.
Nilinaw naman ng FDA chief na hindi tutol ang ahensya sa ivermectin, lalo na’t mainit pa rin ang usapin sa paggamit nito laban sa COVID-19.
“We’re not anti-ivermectin, just to be clear. Ang FDA ay anti lang kami sa mga unregulated, unregistered drugs. Ayaw lang namin sa mga unregistered, ayaw lang namin sa mga veterinary products na baka ipasa sa tao.”